MUNICIPALITY OF BAY (LAGUNA), Historical Data of - Philippine Historical Data MUNICIPALITY OF BAY (LAGUNA), Historical Data of - Philippine Historical Data

MUNICIPALITY OF BAY (LAGUNA), Historical Data of

Municipality of Bay, Laguna

About these Historical Data

[p. 1]

ANG BAYAN NG BAY

Noong unang panahon, sa dakong hilaga ng lawa ng Laguna ay may isang lupaing sagana sa mga halaman tulad ng palay, mais, saging, tubo, at mga gulayin. Ang pook na ito ay pinaninirahan ng mga masisipag subali't tahimik na mga tao. Ang nasabing lugar ay pinamumunuan ng [unreadable] isang taong matapang, nag-aanghin ng di karaniwang lakas ng loob, lalo na sa labanan. Sa kabila ng kanyang katapangan ay mayroon naman siyang magandang ugali. Para siyang isang ama kung mamuno sa kanyang sinasakupan. May tatlong anak na dalaga siya. Magaganda ang mga ito at kinagigiliwan ng mga tao. Pinangalanan sila gaya ng sumusunod: Basilisa, ang panganay; Adriana, ang ikalawa; at Ester, ang bunso. Nang dumating ang mga dayuhang Kastila at nagpunla sa kapulunan ng kanilang dinadalang relihiyon, si Gat Pangil at ang kanyang tatlong anak ay nagkusang magpabinyag upang sila'y maging tunay na Kristiyano. Ang kinuhang magiging ninang sa binyag ng mga bata ay isa ring tagapook na nagngangalang Maria Makiling. Sapagka't kinikilala sa pook ang tatlong nasabing magagandang dalaga, pinagkaisahang kunin ang unang titik ng kanilang mga pangalan at siyang iangkop na pangalan ng kanilang pook. Kaya't buhat ng mabuo ang nasabing tatlong titik, iyon na ang naging pangalan ng kanilang pook — BAE.

Palibhasa'y kinagisnan na ng mga mamamayan ang pagiging magalang, mabait, at masunurin sa mga ipinag-uutos, palibhasa ri'y mayapakin sila sa mga magagandang punlang ipinupunla ng mga dayuhan, ang relihiyong Katoliko ay madaling lumaganap sa mga naninirahan sa Bae. Sa tulong ng mga taga-Bae ay naitindig ang unang simbahan. Sa pagtatayong iyon ng simbahan ay nagdiwang ang lahat, nagkaroon ng sayawan, inuman, at awitan. Simula noon, ang lahat ng nagpabinyag at pinalitan ang kanilang pagkapagano ng pagka-

[p. 2]

Kristiyano. Nagpatuloy ang pananagana. Ang mga tao ay namuhay ng tahimik at maligaya sa ilalim ng kapangyarihan ng tatlong magkakapatid.

Palibhasa'y may dugong puti at isang dayuhan, ang paring nakatalaga sa Bae ay nagkaroon ng hangaring masaklawan ang kapangyarihan ng tatlong magkapatid. Nag-utos ang pari na ang lahat ay dadalo sa misa kung araw ng Linggo at piyesta upang maligtas sa mga kasalanang bunga ng utos ng kapuwa tao. Ang hangarin ng pari na mangibabaw sa kapangyarihan ay ipinaglihim sa tatlong magkakapatid.

Isang araw ng Linggo, samantalang ang simbahan ay punong-puno ng mga tao, ipinag-utos ng pari sa kanyang sermon na kailangang sumunod ang mamamayan sa kanyang ipinag-uutos. Kasalukuyang nakikinig noon ang mga taonang biglang dumating ang utusan ng tatlong prinsesa. Hiniling sa pari na maghintay lamang ng ilang sandali bago simulan ang misa sapagka't nagbibihis lamang ang magkakapatid. Nagalit ang pari. Isang malaking insulto iyon para sa kanya. Nalaman ito ng utusan. Kaya't kaagad niyang ipinabatid sa mga magkakapatid ang naging masamang reaksiyon ng pari. Sinimulan agad ng pari ang misa upang makasiguro na huli na ang mga prinsesa sa misa. Nang malaman ng tatlo ang ginawa ng pari, sila'y nagdamdam. Ipinadala ng panganay na prinsesa sa isang pinagkakatiwalaang tauhang si Bentre ang utos na parusahan ang pari.

Lahat ng kanyang mga kampon ay nagsipag-alsa sa pari. Si Balisisa, na siyang tagapagsalita ng magkakapatid, ang nagsabing hulihin ang pari at ilagay sa bilangguan sa buong maghapon.

Sa tulong ng dalawang lalaki ay dinakip ni Bentre ang pari at inilagay sa isang malaking kulungan na maaaring makita ng lahat ng dumaraan. Lahat ng tao ay nakatingin sa kanya. Pinagtatawanan ng mga bata at pinalilibutan ng matatanda.

[p. 3]

Dahil sa malaking kahihiyan ay itinungo na lamang ng pari ang kanyang ulo. Lumuluha siya sa kahihiyan.

Gabi na nang pakawalan ang pari. Pagkalabas niya sa kulungan, lumakad siya patungo sa madilim na kumbento. Nagtungo siya sa altar; nanikluhod at nagdasal sa harap ng Santo Kristo. Dumadaloy ang luha sa kanyang mga mata. Nang maghating gabi na, buhat sa pagkakaluhod, nagtungo sa madilim na landas na walang naririnig kundi ang huni ng mga kuliglig.

Nagtungo siya sa tabing ilog. Nakita siya ng dalawang mangingisdang walang nalalaman hinggil sa nangyari sa kanya. Nagmagandang loob sa pari ang dalawa. Itinanong kung saan siya patutungo. Sinabi ng pari na alisin lamang siya sa pook na iyon at babayaran niya ang dalawa. Sumang-ayon naman ang dalawang mangingisda. Sinabing kahit na sila'y pagod ay susundin ang utos ng pari. Nagpasalamat ang pari at sila ay sumakay na at gumaod papalayo. Sa liwanag ng buwan ay nakita ng mga mangingisda na umiiyak ang pari. Nagdarasal at, mga ilang sandali pa'y dinukot ang isang maliit na aklat sa kanyang bulsa; binuklat ito at bumasa ng mga dasal na hindi nauunawaan ng dalawang kasama. Pagkatapos ay tumindig at sinabi niyang tulinan ang takbo ng bangka at huwag tumingin sa kanya. Pagkatapos ay inalis ang isa niyang tsinelas at itinapon sa tubig. Kaginsa-ginsa'y isang malakas na ingay ang narinig sa isang dako. Sinagian ng malaking takot ang mga mangingisda, dahil sa lakas ng ugong ng malalaking alon, kulog, at kidlat. Di kaginsa-ginsa'y bigland tumaob ang kanilang sinasakyan. Bago nakagawa ng hakbang upang mailigtas ang pari, ang dalawang mangingisda ay nahulog na at natangay na ng nagngangalit na tubig.

Kinaumagahan, nang magliwanag ang langit, balintuna ang nangyari, ang dalawang mangingisda ay nakitang ligtas, subali't ang pari ay siyang hindi makita. Sinabi ng ilan na ang bangkang yaon ay maaaring pumalo sa isang malaking bato

[p. 4]

sa ilalim ng tubig, kaya't naglaho na't sukat nang walang nakakita.

Sa kasalukuyan ay makikita pa rin sa dakong kanluran ng lawa ang bayan ng Bae, taglay ang mga labi ng nasabing malakas na bagyo, gaya nang nasirang simbahan, at ang labi ng matandang tahanang lumubog sa ilog.

Noong panahon ng Kastila, ang bayan ng Bae ay ginawang kabisera ng lalawigan ng Laguna. Nanatili ito sa gayong kalagayan hanggang 1668 nang ang pamahalaang panlalawigan ay dalhin sa Pagsanjan.

Sinasabi ng mga matatanda na saganang-sagana ang pamumuhay dito sa unang bahagi ng ika-labing-anim na dantaon. Maraming tao ang nagtutungo rito. Ang mga nagsisimba rito'y nagbubuhat pa sa Dolores, Quezon; Batangas, at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.

Ang mga mamamayan ng Bae ay masisipag na magbubukid at mangingisda. Ang lahat halos ng lupaing nasasakupan nito ay nabubungkal ng mga tao at natatamnan ng tubo, palay, at sari-saring prutas na madalas pagkakitaan ng salapi. Marami ring nabubuhay sa pangingisda sa lawa ng Laguna.

Mahusay din silang manglakal. Noong una'y mahusay ang kalakalan dito, subali't nang magkaroon ng daang bakal noong 1911, sinasabing malaki ang inihina ng pamumuhay ng mga tao. Ang mga mamimili ng kopra ay lumipat na sa bayan ng San Pablo hanggang sa taong 1917.

Sinasabi ring ang ilog ng Sabang, na siyan ginagamit ng mga tao sa pamamasyal o panghanap-buhay ay bumabaw dahil sa buhanging naaanod dito. Ang mga bata at matanda na naliligaw sa ilog ay nakakapulot ng mga alahas tulad ng gintong hikaw, singsing, at pati salaping dala ng mga dayuhan. Ito ay nagpapatunay ng mga naiimpok ng mga mayayaman ay dito itinapon upang makaligtas lamang sa mga tulisan.

[p. 5]

Ang bayan ng Bae ay may saklaw na 4,687 ektaryang lupain na pinaninirahan ng mga 16,949 na mamamayan. Ito ay nahahanay sa ika-6 na uri ng bayan sa lalawigan ng Laguna. Nang Taong Piskal 1969-1970, ang kita ng bayan ng Bae ay umabot sa may ₱83,091.002.

Ang mga nayon na nasasakupan ng Bae ay ang mga sumusunod:

1. Bitin Tg. bitin, 'bigti'
2. Galo Tg. galo, 'itim'
3. Dila Hal. Lidah 'tongue'
4. Maitim Hal. item 'black'
5. Masaya Tg. ma Tg. saya 'skirt'
6. Paciano Rizal Tg. Paciano Rizal, kaptid ni Dr. Jose Rizal.
7. Puypoy Tg. puypoy 'to carasa'
8. San Antonio Kast. San Antonio
9. San Isidro Kast. San Isidro
10. Sta. Cruz Kast. Sta. Cruz
11. Sto. Domingo Kast. Sto. Domingo
12. Franca Kast. Franca 'frank'

2 Hinango sa mga tala ng munisipiyo ng Bae.

(Ang kasaysayang ito ay hinango sa tesis ni
Estelita C. Averion, Abril, 1971)

[p. 6]

Binigkas ni Leoncio A. Manese sa
Palatuntunan ng KAPAGPIL sa Sta. Cruz,
Laguna, noong Agosto 13, 1974. - LEOMAN

AN ALAMAT NG BAE

I. Sa pampang ng isang lawa sa tadhana ng Maykapal
May lupaing napabunyag sa mata ng daigdigan
Isang lupang pinagpala, mayaman sa kalikasan
May bundok at mga parang, gubat, ilog, at batisan;
Sari-saring mga ibon dini't doon matatanaw
Iba't ibang mga hayop naglipana gabi't araw,
Mga tao'y masisipag, binugta ang kagubatan
Nagtanim ng palay, mais, tubo, saging, sampung gulay,
Nabubuhay ng masaya, tahimik ang pamumuhay
Sa pagkain ay sagana, sa paggawa'y walang humpay.
II. Alinsunod sa alamat, ang malawak na lupain
Isa itong kaharian ang puno ay si Gat Pangil
Kayumanggi yaong kulay, may marubdob na damdamin
Kung sa tapang ay matapang, kung sa giting ay magiting
Mapagmahal at mabait sa maraming kampong giliw;
Tulong anak na dalaga, kanyang hiyas sa paningin
Bawa't isa'y kagandahan — tatlong tala ang kahambing
Mga puso'y matimtiman, paraparang masintahin,
Tatlong Diwa, Tatlong Lakas, Tatlong Dilag at Paggiliw
Gumagalang yaong lahat sa pagyukod na taimtim.
III. Basilisa ang panganay, prinsibini kung sa tindig
Adriana ang pangalawa, rosa-birheng mapang-akit
Si Ester nga ang pangatlo, paralumang sakdal dikit,
Nagpabinyag na kasama si Gat Pangil na naakit
Si Maria ng Makiling ang nagninang na tumindig;
Sa inisyal nitong Tatlo, bawa't letra'y pinaglakip
NAGING B-A-E ang lupaing yaman ng makakapatid;
Nagpatayo ng simbahan si Gat Pangil ang nagtindig
Sa tulong ng kanyang kampon, nangagpatulo ng pawis,
Nagdiwang ang kalahatan sa tugtugan, sayaw, at awit.
IV. Buhat noon nagsimulang magpabinyag bawa't isa
Sa maraming taong-bayan, sa Diyos ay kumilala
Yaong Kristong manananakop na sa krus naparipa
Kinilalang Diyos Anak na timbulan ng pagsinta;
Nang mamatay si Gat Pangil, ang panglaw ay sabihin pa
Namindong ang tatlong anak, ang lahat ay nangulila
Masunuring mamamayan, nangagluksang parapara...
Maya't-maya, bawa't oras, tinutugtog ang plegarya,
Sa gitna ng karangyaan, sa libingang walang saya
Buong lungkot na nalagak ang labi ng haring ama.
V. Daming araw ang nalagas sa tangkay ng mga taon
Ang sipag ng taong-bayan nagkatanda [?] dini't doon
Kabuhayan ay umunlad, pamumuhay ay sumulong
Ang ligaya't kasiyahan tinamo ng mga kampon,
Pag-ibig at pagmamahal sa Tatluhang pinopoon
Nalubog sa katapatan sa samahang nagyumabong;
At ang kura sa kumbento kung tawagin nila'y Among
Ang loob ay nangimbulo — ang damdamin ay tumutol
Kainggitang hindi tumpak naging tabak na pumutol
Sa magandang palagayan ng simbaha't taga-roon...

[p. 7]

VI. Sa lumaon, sa madali, dalawang lakas kung maglaban
Sasapit sa pagsusubok hinding-hindi maliliban,
Nagpakalat ng patanto yaong Pare sa simbahan
Sa oras ng pagmimisa kung Linggo at pistang araw
Makinig ang mga tao, sumimba ang mamamayan;
Ang kalas ay panglahat, mahigpit ang kautusan,
Maging Tatlong Binibini — Tat-puno ng Sambayanan
Sa bagsik ng kanyang utos pati sila'y sinasaklaw
Wala manding pakundangan sa mabuting pasunuran
Ng Tatluhang Mababait at ng Kurang paladasal.
VII. Linggo noong matahimik, kaarawan ng pagsimba
Lahat halos ay naroon, nagdarasal parapara
Dumating ang isang sugo ng Tatluhang Prinsesita
Sa Kura ay nagpasabing antalahin yaong misa
Paki-usap ay mag-antay, nagbibihis lamang sila,
"Hindi Among magtatagal," ang sa utusang dagdag pa;
Sa ganitong pangyayari, ang Pare ay nabalisa,
Sari-sari ang sinabi — nagkokonyo at ponyeta...
Ang loob ng inutusan nagbalik na nagbabaga
Sa Tatluhang minamahal nagsumbong na walang sala.
VIII. Di pa oras ay nagmisa, ang Kura ay di napigil
Kahit wala yaong Tatlo, ang misa ay ginawa rin,
Nang matalos noong Tatlo, hiling nila'y naging asin
Na tinunao noong konyo at ponyetang sapinsapin
Pagkamuhi'y naglinggatong, puso nila'y nahilahil;
Sila noon ay naupo sa luklukang nagniningning
Buhok nilang alon-alon, malasutlang naaliwiw
Sa sampayang gintong lantay tinutuyo noong hangin;
Ang ayos ng Tatlong Dilag ay lubhang kapansin-pansin
Kabiguang napaghapit ginugutay ang damdamin...
IX. Ang panganay sa Tatluhan nang tumindig ay nag-utos
"Tipunin ang ilang kampong pikit-mata kung sumunod"
Kanang kamay na si Bestre, pangunahin sa pagkilos
Nagmungkahing parusahan yaong Kurang walang taros,
"Kami po ay pag-utusan, laan kami na maglingkod,
Magpasya kayong Tatlo, hatol ninyo'y masusunod,
Hindi dapat na maghari ang dayuhang mapag-imbot
Katutubong laya natin hindi dapat ipasakop —
Kahilingan ninyong Tatlo di binigyan pahintulot
Gayong kayo — walang iba ang sa Kura'y nagkukupkop..."
X. Si Adriana at si Ester, agad sabay na tumugon
Sa kay Bestreng paliwanag matibay na sumang-ayon
Ang lahat ay nagtindigan, buong galang at hinahong
Sumumpa sa Tatlong Dilag, lahat sila ay tutugon
Sa anomang kagustuhan ng Tatluhang pinopoon...
Si Basilisang panganay, pangulo ng pagtitipon...
Tumindig at nagpasiyang yaong Kura'y ipakulong
Sa kulungang ihahanda pipiitin nang maghapon;
At hindi mga nagkabula, si Padre kong dati'y Among
Sa kumbento ay kinuha ni Bestre at dalawang tulong...
XI. Nang matanto noong Kura ang malungkot na sinapit
Sa malaking laang haula doon siya ipiniit,
Sa mata ng dumaraan kahihiya'y labis-labis,
Napaluha yaong pare, piing-bagang na nagtiis,
Takipsilim nang alpasan — ang loob ay nagngangalit,

[p. 8]

Sa kumbento nang dumating, gayon na lamang ang hapis
Ang sakrista't mayordomo ay wala na't nagsi-alis;
Nag-iisa na lumakad at sa altar ay lumapit
Boong galang na lumuhod, nagdasal na matahimik
Habang siya'y nagdarasal ay may luhang pinapahid...
XII. Hatinggabi nang lumisan, ang kumbeto ay iniwan
Noong Pareng gulong-gulo ang isip at kalooban,
Matahimik na ang lahat, humuhuni ang wiswisan,
Wari bagang natitiwa sa may Padreng kaapihan,
Sa langit na aliwalas ang buwan ay walang kinang
Sa nagsabog na bituin ang ningning ay naglalamlam,
Pagka't bakit hindi gayon sa mata ay humihilam
Yaong luhang nagsasabing naduhagi ang simbahan,
Hinamak ang kabanalang sagisag ng katusuhan,
Ang sotanang nakasuot, nilupig ng kalipitan...
XIII. Baybay-dagat ay narating dalawang tao ay nakita
Mangingisdang hindi batid kapalarang sinapit niya
Pagkatapos na batiin ng paggalang itong Kura
Ang isa nga ay nagtanong, "Saan po kayo pupunt,"
Ang sagot ng ating Pare sa walang malay na dalawa,
"Ang nais ko ay mamangka, handa ako na umupa."
"Aba, Among, masusunod ka, kami ay pagod na
Kahilinga'y masusunod, kami'y handang tumalima."
At ang Kura ay lumulan, nagpasalamat sa dalawa
Tumulak na yaong bangka na ang dalawa'y nakanta pa...
XIV. Sa lilim ng isang buwang namimilog sa liwanag
Kitang-kita noong dalawa yaong Kura sa pag-iyak,
Minasdam pa rin nila ang baybaying nakalahad,
Yamang ang naka-abito'y nagdarasal na banayad
Sa kimis ng dalawang palad binuksan ang munting aklat
Sa Latin at may winikang hindi nila natatatap...
Ang nang tumindig ang Pare sa dalawa ay nagpahayag
"Pabilisn ang pagsagwan, huwag lilingon yaong atas,"
Binunot sa kanyang paa ang kabaak na sandalyas
Saka biglang inihagis sa tubig ay lumagaslas...
XV. At hindi nalaunan, sa likura'y lumagunlong
Sa pangamba noong dalawa natanawa'y mga alon,
Katahimikan ng dagat, biglang-biglang nag-umugong
May kidlat pang gumuguhit, ang kulog ay dumagundong,
Dumating na ang sigwada, dalayong ay patungpatong
Ang sasakyan ay tumaob — ang Kura ay tumilapon,
Ang bangkero'y nangunyapit, silang dalawa ay naglangoy.
Nang sumapit ang umaga't tahimik na ang panahon
Nananagwa'y kapwa ligtas, ang Kura'y di natuntun,
Nalunod ang kawawa sa bagsik ng kanyang dunong...
XVI. Sa baybayin ng kaunlaran ng aplaya noong BAE
Kung panahon ng tag-araw matatanda'y nakasaksi
Sa linaw ng tubig-dagat nasisinag dati-dati
Ang altar ng kabanalan ng simbaha'y naduhagi,
Sina-unang pinggan, tasa sa atikha't napatabi,
May ilan pang bahay doon hanggang ngayon ay may iwi;
Mayroon ding nagbabansag sa kanila ng nangyari
Sa pader na nakatayo sa malalim nagkukubli...
Mga tanda na lumubog ang unang bayan ng B A E.

[p. 9]

XVII. Aking bayang nakikinig itong kwentong kakalahad
Ang Alamat noong BAE — ang bayan kong kulang-palad
May matanda na nagsabing lumubog ang lahat-lahat
Mga tao ay nawala, watakwatak na kumalat,
Si Basilisang panganay sa Makiling napadpad
Si Adrianang pangalawa sa Maponso nakalagak
Si Ester na bunsong hirang sa Sinukuan napadpad
Naging isang engkantadang takbuhan ng mahihirap
Kandili ng kawanggawang nagsabog sa tuwa't galak.

[p. 10]

MGA KUWENTO NOONG PANAHONG UNA

NANGYARI SA PUYPUY:

Si matandang Evaristo ay may kainging sa Puypuy na tinaniman niya ng palay at mais. Noong namumunga na ang mais at ang palay ay malapit nang anihin ay nagtaka siya sa minsang pagdalaw niya at ang palay at mais ay may lugar na sira na malabis niyang pinagtakahan. Kaya at isang gabi ay sinikap niya ang makadalaw at tingnan. Maliwanag noon ang buwan at nakita niya ang magandang kaayusan ng kaniyang palay na itinanim, at gayon din ang maisan na hindi naman kalawakan. Doon siya tumigil sa isang kubo na itinayo niya na malapit sa kanyang taniman. Nang humatinggabi na ay nakarinig siya ng kaluskusan sa hindi kalayuan na sa kanyang pakiramdam ay palapit ng palapit. Hindi nalaunan at nakita niya na merong mga dumating na bulaw — mga biik ng baboy damo na sinusubaybayan ng isang tao — mataas at tuwid na tuwid ang tindig. Nang mapalapit na sa palayan ay isa-isang binuhat at itinawid ang mga iyon upang umuwi na. Umalis siya na alam na niya kung sino ang may kagagawan ng kapinsalaang nangyari sa kanyang taniman o halamanan.

Kinabukasan ng gabi ay nagbalik na siya sa kanyang kubo upang magbantay, mag-antay, at muling magmanman. Nagdala siya ng isang sibat na kanyang pinatulis at inihasa. Nagbantay siya at nag-antay ng matagal. Kabilugan noon ng buwan at kitang-kita niya ang pagdating ng mahagway na lalaking siyang sumusubaybay sa mga biik. Nang dumating na ang mga bulaw ay muling itinawid na isa-isa ng mataas na lalaking tikbalang. Nang makakain na ay muling itinawid na isa-isa sa mga nakabakod na sanga ng kahoy. Siya naman ay nakatayo na noon sa isang kubling pook na daraanan ng tikbalang. At nang mapalapit sa kanya ay bigla niyang sinibat, at ang mga biik at ang may alagang tao ay bigla na lamang nagtakbuhan. Hinanap niya ang sibat... wala, hindi niya makita, kaya at naniwala siya na tinamaan ang salbaheng tikbalang.

Sinundan niya ang mga biik at ang subaybay sa pamamagitan ng pagbakas sa dinaanang landas. Lakad... lakad... malapit nang mag-umaga. Sa isang kubu-kubuhan ay natagpuan niya ang kaniyang hinahanap. Nakatungo at dumarain, humahaluyhoy, at ang sibat ay nakabaon sa may hitang tinamaan. "Ah, walang hiya ka! Iyan ang magaling sa iyo upang ikaw ay madala," ang salubong

[p. 11]

niyang wika. "Patawarin mo ako," ang sabi kay Tandang Evaristo ng dinatnan. "Kaawa-awa ang mga biik na iyan sapagka't ang ina ay nabaril ng mga mamamaril kahapon, hindi, may tatlong araw na pala." Malapit nang mag-umaga. "Bunutin mo ang sibat na ito at kikilalanin kong utang-na-loob sa iyo. Gaganti rin ako sa iyo at makakabayad ng utang-na-loob balang araw. Kapag ikaw ay may pabayani sa paghukay ng mga tuod ay sunugin ang buhok sa ngayon ay ibibigay ko sa iyo."

Sa pamamagitan ng hangin ay makakarating sa akin ang pangangailangan mo. Darating ako at ang aking mga kasamahan sa pook ng gawain upang bunutin ang mga tuod ng iyong kinakaingin na pook. Kung magdadala ka ng binalot para sa limang tao ay huwag kang maglalagay ng asin. At bigla niyang binunot ang isang buhok sa ulo ng tikbalang. Naawa naman si Tandang Evaristo at binunot ang sibat na nakatimo sa may hita, at umuwi at nataglay ang buhok na kaloob ng tikbalang.
---------
MIA... MIA... MIA

Sa kabulusan ng Puypuy ng Bay ay merong naninirahang mag-asawa na ang hanapbuhay ay magdala sa pamilihan ng sari-saring bungang-kahoy o dili kaya ay bibingka na ginawa ni Rosa. Ang asawa nitong si Pedro ay masipag, mabait, at masunurin sa asawa.

Isang araw ng Martes, tiyange, ay gumising sila ng maaga upang magdala na maipagbibiling mga bungang-kahoy, katulad ng bayabas at gulaying kalamismis sa bayan. Ang kaisa-isa nilang anak ay may apat na taon ang gulang na ang pangalan ay Maria ay naiwan sa kanilang munting bahay na nakatirik sa malapit sa iang puno ng kaong. Bago umalis ang dalawa ay inilipat ni Pedro ang kanilang hagdan sa isang lugar na may niyog na malapit nang mamunga.

Nang tumanghali na ay nakaubos na sila ng kanilang itininda at umuwi na sila agad dahilan sa kay Maria — ang kanilang anak na naiwang nag-iisa. Nang sila ay dumating ay dali-daling inalam nila ang kalalagayan ni Maria. Sabihin pa ang tuwa ni Maria at umaasang siya ay may tatanggaping pasalubong ng kanyang ina.

Nang salubungin sila ni Maria ay sinabi sa ina ang ganito: Kanina ikaw dating dito sa akin. Ako iyong tawag at sabi sa akin, "Mia, Mia, Mia" gusto mo ang bibingka, ikaw parito akin, ako bigay sa iyo pagkain. Ang sabi ko sa iyo, ako hindi panaog,

[p. 12]

wala hagdan namin, ikaw parito akin." Takang-taka ang mag-asawa dahilan sa kararating lamang nila buhay sa bayan, ay bakit ganoon ang salita ni Maria.

"Anak," ang sabi ni Rosa, "ngayon lamang kami dumating ng iyong ama. Hindi ako iyong tumawag sa iyo kanina." At ang bata ay nagsalita: "Ikaw na nanungaw doon sa itaas Kaong, at ang sabi mo, 'Mia, Mia, Mia! Halika, meron ako puto bigay sa iyo.' Sabi ko pa iyo, hindi ako panaog, wala hagdan, alis tatay ko."

Naghinala ang mag-asawa ni Pedro at Rosa na ang anak nilang si Maria ay dinalaw ng tikbalang na babae na malimit daw magligaw sa mga naglalakad doon sa kaputikang kabulusan. Kaya ang ginawa ni Pedro ay nagbaon ng Krus sa palibot ng kanila bahay.

------------

Transcribed from:
Historical Data of the Municipality of Bay, Laguna, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post