MUNICIPALITY OF ALAMINOS (LAGUNA), Historical Data of Part II
PART II
PART I | PART II
[Note to the reader: Confidence in the translation of some parts of this document is low due to the poor quality of the original scans on file at the National Library of the Philippines Digital Collections. Any question mark within the transcription enclosed within brackets [?] signifies that the original word in the scan was not very legible and that the transcription is no more than an intelligent guess based on context.]
[p. 12]
KUWENTONG NAYON NG PALMA
[p. 13]
KUWENTONG NAYON
NG
SAN ROQUE, ALAMINOS, LAGUNA
Bago marating ang gitna ng nayon sa San Roque ay may makikitang isang malaking bahay na may nakatirang isang mag-asawa. Ang pangalan ng lalaki ay Roque. Nagka-initan ang labanan ng mga kawal. Hiningi ng pinuno ang pangalan ng bawa't nayon. Tinanong ng mga sundalo si Mang Roque kung ano ang pangalan ng nayon. Palibhasa si Mang Roque ay takot at matanda na, ang nasabi ay Roque. Ang akala ng mga sundalo'y San Roque ang ngalan ng nayon, kaya mula noon ay tinawag na San Roque.
Noong panahong iyon, palibhasa'y wala pang mabuting daan at sasakyan at wala ring manggagamot, kapag mayroong may sakit, ang ginagawa'y ganito, iginagala ang Poon sa bawa't bahay, at pagkatapos ay papahiran ng langis ang may sakit at ito raw ay gagaling na. Kaya't si San Roque ay palaging may bote ng langis sa tabi at naging pangakuan na rin.
[p. 14]
MGA KUWENTONG NAYON NG STA. ROSA, ALAMINOS, LAGUNA
Matagal pa bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay mayroon nang mag-asawang datu na naninirahan sa kapatagan ng nayon, at ang mag-asawang ito'y si Datu Dungawan at si Mariablo. Sa matamis na pagsasama ng mag-asawang ito, sila'y nagka-anak ng isang magandang anak na lalake, at ang kanilang ipinangalan ay Magat Bunsolan. Si Magat Bunsolan, palibhasa'y nag-iisang anak, sunod na sunod ang bawa't maibigan, at ang libangan nito'y ang panghuhule ng usa at baboy damo.
Isang araw, samantalang ang binatang Magat ay namamasyal at namamandaw ng kanyang bitag sa bukal Pansol, sapagka't ang baboy damo'y umiinom sa malinaw na bukal ng tubig, ay namasdan ng binata ang isang dalagang naliligo sa malinaw na tubig, na para bang isang diwatang nakikipagtimpalakan sa ganda ng mga bulaklak na nakapaligid doon. Ang binatang Magat ay matamang nagmatyag doon, datapuwa't hinde siya mapakale sa kanyang kinalalagyan, kaya't ang ginawa ng binata'y marahang lumusong sa bukal at nagkunwaring umiinom. At doo'y nagtama ang kanilang paningin at ang unang bumati ay ang binata. "Magandang tanghali po, magandang diwata, ipagpatawad mo ang aking paggambala sa iyong paliligo." Ako po'y si Magat Bunsolan, at handa pong pag-utusan. Wala pong anuman, ako po ay si Prensisa Kandahan, anak po ng Datu Kampanadyo at Reyna Palindan.
Palibhasa'y makisig ang binatang Magat, ang Presisa'y para bang namalikmata at ang puso'y para bang tinamaan ng kung anong bagay. Gayon din naman, ang binatang Magat ay hindi makahuma sapagka't para man ding nahigop ng bato-balani ang kanyang puso at damdamin. Walang malamang gawin ang binata kundi ang yumukod at magpugay, at sa harap ng gayong pagkakataon, walang nasambit kundi ang salitang, "Mahal na binibini, maaari po bang makadalaw sa inyo?" Sumagot ang dalaga at aniya, "Kung ipahihintulot po ng ama kong datu."
Sa gayon, nagpaalam ang makisig na Magat at siya'y umuwi sa kanilang tahanan at ibinalita sa kanyang mga magulang ang masayang natagpuan. At palibhasa'y gusto rin ng Datu Dungawan na mag-asawa ang kanyang bugtong na anak, ang ginawa'y tinulungan ang anak sa panliligaw. Kinausap si Datu Kampanadyo at si Prensisa Kandahan. Sila'y ikinasal sa paanan ng bundok at ang ninong at ninang ay si Datu Hanghang at ang kanyang asawang si Reyna Rampangan [or Sampangan, blurred].
At mag-asawang Magat Bunsolan at Prensisa Kandahan, maligayang nagsama at ang kanilang mga anak ay siyang unang mga tao na bumuo ng nayon at dinatnan ng mga Kastila, at nang dumating ang mga Kastila'y pinabinyagan at naging Kristiyano. Ito ang lahi ng Karpio Flores ang ang nuno ng Julian Avenido, na siyang unang mga tao sa nayon ng Sta. Rosa, Alaminos, Laguna.
Ito'y simula lamang, at ang kasaysayan ng Sta. Rosa ay nagmula sa San Miguel.
[p 15]
KUWENTONG BAYAN
ANG SIMULA
Dapit-hapon pa lamang ay tahimik na tahimik ang buong nayon. Dati-rati ay may mga binata na namamasyal na ang tanging tanglaw ay siyang bigkis ng tuyong dahon ng niyog. Subali't kabukod tangi noong gabing yaon, naghari sa kaisipan at damdamin ng bawa't isa ang takot at sindank. Ang bawa't Garita lamang ang may mga taong nagpupulong-pulong. Sila ang mga miembro ng barangay na gumuguardia sa nayon. Ang tangi nilang armas ay ang sibat na kawayan at ang kanilang kampilan. Ang tinghoy na kanilang ilaw ay aandap-andap. Ang pabilo na nakapatong sa isang palatito ng langis ay lagi nang inaalisan ng titis para magbigay ng mabuti-buting liwanag.
"Pedring, ano ang gagawin mo kung dumating dito sa atin ang pangkat ni Koronel Averion at hingan tayo ng tulong?" ang tanong ni Asio sa kasama.
"Bakit, may balita bang darating ang mga gerilya?" "Mayroon, kaya ang mga tao'y takot na takot ngayong gabi. Baka raw magkasagupa ang mga Hapon at gerilya dito sa atin. Kung magtagpo ay di gaanong labanan ang mangyayari."
Natigilan si Pedring, hindi siya makahagilap ng mga sasabihin. Para bang nahihintakutan din siya. Pinihit ang sambalilo, kinuha ang sibat at —
"Pare, mabuti pa ay umuwi na tayo. Iwanan natin ang garitang ito. Guardia nga tayo, wala naman tayong armas. Ano ang magagawa natin sa kanila? Kung dumating ang patrolyang mga Hapon, di kaawa-awa tayo. Baka pa tayo pagbintangang katuus ng mga gerilya."
Tumindig kaagad si Asyo. "Huwag Pedring, huwag tayong umalis. Hahanapin tayo ng tenyente ng nayon. Tayo pa naman ang inaasahang makatutulong sa ating mga kanayon. Kung dumating ang mga gerilya ay di iriport natin kay tenyente at sila ang bahala. At saka, naku! Pag tayo ay umalis, mababalita tayong duwag. Pipistaan ako ni Koring ay di lagot na ang aking pag-asa. Kaya't paki-usap, huwag tayong umalis.
Naghari ang kaunting katahimikan sa dalawa. Nakarinig sila ng tahol ng mga aso. Sila ay kumubli sa dingding ng garita. Mataman silang nakiramdam. Sa silahis ng liwanag ng buwan ay nababansagan nila ang limang kataong dumarating, at nang malapit-lapit na ay napatunayan nilang mga Hapon pala. Ang isa ay gapos na nakatali sa likod ang mga kamay.
"Pag hende ka sabi totoo, ikaw mamamatay. Ikaw espiya gerilya?"
"Hindi po. Hindi po."
Tumigil sa tapat ng garita. Halos hindi humihing ang dalawa, nang, "Guardia, guardia, Hapon ang guardia dito?" Lumabas ang dalawa na hawak ang kanilang mga sibat, katog ang katawan sa takot."
"Narito po. Narito po."
Alam mo ba na ang mga Hapong kasama ko ay nakahuli ng espiya,
[p. 16]
ang babaing ito? Hindi maka-imik ang dalawa. At nang maaninaw ng dalawa ang babaing espiya ay dili iba't si Koring. Si Koring ay hindi maka-imik. Nagkatinginan na lamang sila na kunwari ay di magkakakilala.
Hinawakan si Koring sa buhok. "Sabi totoo, saan naroon ang mga gerilya, ha!" ang marahas na tanong ng makapiling kasama ng mga Hapon.
"Hindi ko alam, basta hindi ko alam!"
Isang sampal ang dumapo sa pisngi ng dalaga. Kiim ang bagang at hindi umiimik. Nakaramdam si Asyo at si Pedring ng pag-iinit ng katawan. Ang takot at sindak ay ay nahalinhan ng pagngangalit.
"Sabi totoo!" ang sigaw ng isang Hapon. "Ikaw esperya, giren [unsure, blurred]," at biglang hinalit ang damit ng dalaga. Nalantad sa aninag ng buwan ang dibdib ng dalaga.
"Ikaw maputi, maganda daraga, ha, ikaw akin, ha, ngaron." Lumapit ang Hapon at biglang niyapos ang dalagang may gapos. Walang magawa ang dalaga kundi ang:
"Asyo, Asyo!"
Parang mga limbas na sumugod ang dalawa. Pinagtataga ang mga Hapon na hindi naman nila akalain. Ang isa sa mga Hapon ay nakapagpaputok. Si Asyo ay tinamaan sa hita subali't ang apat na kasama na makapili ay namatay na lahat. Nagkagulo sa nayon. Pinukpok ang kalatong, at bawa't makarinig ng kalatong ay pumupukpok din. Ang tunog ng kalatong ay isang babala na may nangyayari sa isang lugar. Nagdaluhan ang mga tao. Naghari ang takot at sindak. Nakita nila ang apat na taong nakabulagta at naliligo sa sariling dugo. Ang dalaga na may gapos pa ay nakasandig sa katawan ni Asyo na nakahiga dahil sa tama sa hita.
Sumigaw ang tenyente ng nayon. "Lahat ng tao ay gumayak. Tayo ay aalis sa ating nayon. Tayong lahat ay mamumundok, sasama tayo sa pangkat ni Koronel Artemio Averion. Tayo ay papatayin dito ng mga Hapon." Parang isang bulang ang salita ng tenyente. Nagtakbuhan ang lahat na pauwi sa bahay. Ang lahat nang maaaring dalhin ay iginayak, at makalipas ang isang oras ay parang isang prosesyon ng mga tao ang sumugod sa kadiliman. Walang imikan, ang mga bata ay di man lang maka-iyak.
Si Asyo ay akay ni Koring, at nang dumating sa bundok ng pinitan [or pipitan] ay walang nasambit ang dalaga kundi, "Asyo, salamat, ikaw ang aking tagapagligtas," ang nawika na lamang ni Koring at sila'y nagyakapan. Doon na nagsimula ang kanilang maganda at matamis na "pag-iibigan."
Akda ni:
Hilario D. Escueta
Punong Guro
Alaminos, Laguna
[p. 17]
KUWENTONG BAYAN
TAGUMPAY SA BAGONG LIPUNAN
ni
Diego Alvarez Manalo
Matagal na – – – –
Ayon sa matandang kasaysayan na nagpalipat-lipat sa ilang salin ng ating lahi, ang Talaga ay isang maliit na sityo ng nayong Alaminos, at ang naulit na malaking nayon ay nasasakop ng Bayan ng San Pablo na ngayon ay isang lungsod. Ang sityo o Talaga'y may ilang angkan na naninirahan, at sapagka't isang lugal na nasa paang bundok, masukal at malungkot, kaya ang mga naninirahan doon ay mga magsasaka. Nang umunlad ang nayon ng Alaminos sa pamamagitan ng kanyang matatalino at magigiting na mga anak, ay hininging ang Alaminos ay gawing isang bayang nagsasarili, sa pamamagitan ng isang panukalang batas na pinagtibay ng Batasang Bansa. Ang Alaminos ay naging isang bayan at ang sityo Talaga'y naging isang nayon nasasakop ng bayang Alaminos, sapagka't dumami ang mga tao at umunlad ang nayong Talaga.
Sang-ayon sa kasaysayan ng Talaga, ang unang mga taong nanirahan doon ay mga taong hindi kilala, sapagka't mayroon daw mga Ibanag, Gaddang, Ilonggot, at Ifugao at iba pang kabilang sa "cultural minorities." Noon, ang ginagamit ng mga taong ito sa pagsalok ng tubig ay sipsip-lumbo, kawayan na ngayon ay kung tawagin natin ay bumbong. Nang dumami ang mga taong binyagan na naninirahan dito, ang mga taong gubat ay nagsi-alis at nangawala. Subali't nang dumami ang mga tao dito sa isang bato sa paang-bundok ay may nakita ang iba na nakasulat na T-A-L-A-G-A na hindi malaman ang kahulugan, kaya ang nayong ito'y nagkaroon ng taguring "Talaga."
Sang-ayon pa rin sa kasaysayan sa pamamagitan ng unang Kira Paroko ng ating simbahan, ang nayon ng Talaga'y bininyagan sa pangalang San Gregorio, at sa pamamamgitan ng mga masisipag at mararangal na mga tao dito, ang San Gregorio'y naging maganda, maayos, at sa sikap ng mga umugit [?] ng pamahalaang nayon, pamahalaang bayan, at pamahalaang lalawigan, at "Nacional" sa pamamagitan ngayon ng Puno ng Barangay, G. Felipe Manalo, Alkalde Bueser, Gobernador San Luis, at sa kanyang kadakilaan, Kgg. Ferdinand Marcos.
Ngayon, ang nayon ng San Gregorio'y may ilaw sa dagitab, may lansangan, pagamutan, at higit sa lahat ay maganda ang simbahan at ang bahay-paaralan ng De Mesa Elementary School. Ang paaralang ito'y hindi huli sa ganda, ayos, at bait ng mga guro sa pamamagitan ng marangal na pagpapasunod ng kanilang tangapangasiwa, G. Pacifico B. de Mesa.
Ang mga taong nayon, sa kasalukuyan, ay masisipag, [unreadable], at sa pamamagitan ng Batas Hukbo sa ilalim ng Bagong Lipunan ay nawala ang ilang masasamang gawa na naganap dito. Sa kasalukuyang salin-lahi, ang nayong San Gregorio ay maraming anak na propesyonal, at ngayon ay napakaraming nag-aaral at kumukuha ng iba't-ibang karunungan para sa kinabukasan.
Magpatuloy sana ang tagumpay ng Bagong Lipunan, sapagka't narito lamang ang katahimikan, kaunlaran, paglawak ng edukasyon, paglaki ng industriya, at pagtatagumpay ng bayang Pilipino, sa pangunguna ng kanilang kadakilaan, Unang Ginang Imelda R. Marcos at Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Iyan ang tagumpay ng Bagong Lipunan.
[p. 18]
KUWENTONG BAYAN
TOTOO NGA KAYA
May mga pangyayaring paniwalaan dili, sapagka't lubhang nababalot ng kahiwagaang nagsisilbing palaisipan sa normal na kaisipan ng isang tao. Subali't sa mga taong nakaranas, nakadama at nakasaksi'y isang kapani-paniwalang pangyayari. Kaya sa karamihan ng nakikinig lamang sa mga kuwento at salaysay ay nabubuo ang isang katanungan, "Totoo nga kaya?"
Ito'y isang tunay na pangyayari na naganap sa nayon ng San Andres, Alaminos, Laguna, di lubha pang nalalaon. Si Rosita Faylon, isang katutubong taga-rito, ang siyang nakaranas ng kahiwagahang ito.
Ayon sa salaysay ni Gng. Faylon, isang kapitbahay nila ang nag-aagaw buhay. Palibhasa'y kapitbahay at kapalagayang-loob, nang marinig niya ang iyakan ay sumugod siya sa tahanan ng mga ito. Nang dumating siya ay marami nang tao na pawang mga kapitbahay. Siya'y napatayo sa may bintana. Nang walang anu-ano, siya'y nabuwal at nawalan ng malay-tao. Nagkagulo sa loob ng tahanang yaon. Inihiga siya sa isang bangko. May nagpapaypay, may naghahaplos, at may nagsasabing dalhin sa pagamutan.
Nang dadalhin na lamang siya sa doktor, siya'y nahimasmasan at nagkamalay-tao. Siya sa kanyang sarili'y nagtataka rin sapagka't sa pagkawala ng kaniyang malay, mayroon daw isang matandang lalaki, nakasuot ng itim at may tungkod na mahaba. Siya'y ipinagsama sa paglalakbay. Maganda at maaliwalas ang kanilang dinaraanan. Nang sila'y dumating doon sa kanilang pupuntahan, isinulit siya sa isang matandang lalaki rin. Subali't ang sabi raw ng matanda —
"Bakit siya ang dinala mo rito? Hindi iyan ang ipinakakaon ko sa iyo, mga tatlumpong taon pa ang ilalagi niya sa mundo."
Pinangaralan pa raw siya at ang sabi —
"Uli-uli, kung may gayong pangyayaring nagaganap, huwag kayong magtatatayo sa may bintana at baka kayo mapagkamalan."
Nang masabi iyon ng matanda, siya raw ay pinauwi na.
Totoo nga kaya ang kaluluwa ng namatay ay kinakaon ni Kamatayan?
Ito ang katanungang hindi masagot ng marami, nguni't nakadama at nakaranas na ilan, sinasabi nilang totoo ito.
[p. 19]
MGA AWITING-BAYAN
NG
ALAMINOS, LAGUNA
BAKA KAPUTIKAN
Bukid ay basa, tag-ulan noon
May isang mutyang sa aki'y nagtanong
Kung nais ko raw siya ay tulungan
Ng pagtatanim ng palay sa maghapon.
Kahit na ano ang aking sabihin
Ang pagtulong niya ay di ko mapigil
Ang sabi ko pa, huwag na Neneng ko
At mapuputikan lamang ang bakya mo.
Langit ang ganda ni [unreadable] bukid
At nakita kong bukid [unreadable] ay langit
Nang-rap ako puso'y mahalin
Nagising ako sa tunay na pag-ibig.
Kay ganda-ganda ni Neneng kahapon
At namumula ang kulay ng sakong
Ang mga tanim na naroroon
Nainggit sa akin pati mga ibon.
Tunay na ganyan ang buhay sa bukid
Iilawan ka ng tala sa langit
Karaniwan na sa magbubukid
Sa pagtatanim ay labis ang pag-ibig.
SA AKING PAGDATING (Harana)
[p. 20]
MAGING TINTA MAN ANG TUBIG SA DAGAT
Kahit maging tinta ang tubig sa dagat
at maging tulay man ang kahoy sa lahat
ang iyong pag-ibig ay di ko matatanngap
at ang nagdadala'y kulang pa sa idad.
Kaya nagtatapat ang huwag mabuyo
walang-wala mandin ikaw sa puso ko
Iniibig kita kung sa pagkatao
nguni't sa pagsinta ay patatawarin mo.
Awitin kung ang isang nobya ay bibihagin:
ARAW AY NATAPOS
Araw ay natapos sa kadalagahan
At ang haharapin ay katahimikan
Agad lilisanin ang araw na layaw
At may asawa ka nang dapat panimbangan.
Ang pakikisama iyong ialalapat
Sa pinagbigyang sampung [unreadable]
At kung ang loob mo'y sa kanila ay tapat
Manu-manugang may nariing [?] anak.
ANG HAPIS
Isang gabing matahimik, minsan ako'y nanaginip
Na ang isang anak-pawis ay tantong kahapis-hapis
Kumilos ma'y walang gara, bumihis pa'y walang kisig
Hindi pansin ng dalaga, palibhasa'y anak-pawis.
Kapwa anak-pawis halina't tayo'y magdiwang
Sa liwanag ng buwan
Kapwa anak-pawis may dangal ka ring kakamtan
Sa tulo ng ating pawis mabubuhay ang sinuman.
TAO PO, TAO PO
Tao po, tao po may bahay na bato
Buksan ang bintana't tayo'y magpandanggo
Kung walang gitara'y kahit na bilao
Makita ko lamang ang dalaga ninyo.
Dalaga po ninyo'y ayaw maligawan
Papasok sa silid at magsasakit-sakitan
Ang tanong ng ina'y kung anong dahilan
Sabi ng dalaga'y masakit ang tiyan.
Ikinaon agad ng dalwang musiko
Pinagtigisahan [?] ang dalawang puso
Sabi ng mediko'y walang sakit ito
Sinta ng binatang umakyat sa ulo.
[p. 21]
HANG-HANG NG BABAE'T
SALAWAHANG LALAKI
PAALAM SA PAGKADALAGA
ISANG BINATA
Ako ang dakilang binatang nagsisitingin
at ang hiling nila'y ako'y pakantahin
nguni't pangit naman nang sila'y sadyain
at baka masabing kulang ang pagtingin.
Siguro'y talastas ng sino't alin man
ang nagpapakantang pinakanta naman
at ang humiling ay hinihingan
wala namang utang na di nabayaran.
[p. 22]
AKO'Y BULAKLAK
Na hinahalaman ng ama ko't ina
Ang bilin sa akin, sino mang kukuha
Bago pa sa dulo'y sa puno muna.
Pagdating sa gitna, iyong lilinisin
Pagdating sa dulo, saka ka kumitil
ISANG DALAGA
Ang pipit na ito'y singkad bait
Pinag-aaliwan ng puso at dibdib
Di ko napansin nang humabang araw
Ang abang dalaga ay may na-kasintahan
May isang bagong tao, mayroon din naman
May alilang loro na kinaaaliwan
Di ko [unreadable] ay ibinigay na nga
Ang unang pipit ay di na kinalinga
Mga pananaghoy nitong ibong pipit
Kapagdaka'y nilapitan at kinitil ang leeg
Panggulo ka lamang ng puso ko't dibdib
Ako'y may lorong sakdal kabait
Natanto ng loro, pipit ay pinatay
Ang loob at puso ay nagulumihanan
At baka aniya kung humabang araw
Ang buhay ko naman, siyang idaramay.
Wika nitong loro dito sa dalaga
Ako ay mayroong mutya ng sampaga
Ako'y pawalan mo, kukunin mo muna
Pagdating ko dito'y liligaya ka
Sagot ng dalaga'y, hayo at iyong kunin,
Pinatay mong pipit, muli mong buhayin
Mga pananaghoy ng [unreadable] dalaga
Salawahang loob ay mahirap nga pala
Umibig sa huli't, umayaw sa una, sa
Huli't sa una ay walang naging [unreadable]
PART I | PART II