LAGUNA, PROVINCE OF, Historical Data Part I - Philippine Historical Data LAGUNA, PROVINCE OF, Historical Data Part I - Philippine Historical Data

LAGUNA, PROVINCE OF, Historical Data Part I

Province of Laguna

PART I

PART I | PART II

About these Historical Data

[p. 1]

A. KASAYSAYAN NG LALAWIGAN NG LAGUNA

Ang kasaysayan ay isang tinig na malakas; walang tigil na bumabatas sa daang taon na pagpapatanyag ng batayan ng kabutihan o kasamaan1.

Ang pag-uukol ng pansin sa anumang kasaysayan, lalo't higit sa kasaysayan ng ating [unreadable] ay maituturing na gawaing makabayan. Ito'y isang kabang-yaman ng lahi, na kapag nahango at natipon ay isang bagay na kaunlaran ng kalinangang Pilipino2.

Ang kawalan ng pagpapahalaga sa sariling kalinangan ay karaniwang bunga ng kamangmangan sa kasaysayan nito. Ang iba't-ibang sanga ng kalinangang Pilipino ay may sari-sariling kasaysayang hindi alangan iagapay sa kasaysayan ng kalinangan ng ibang bansa. Matiyaga nating basahin ang mga dahon ng ating kasaysayan, sapagka't sa ganyang paraan lamang matututo tayong magpahalaga sa ating pagkalahi.

Bakit Tinawag na Laguna

Ang pangalang Laguna ay hiram sa salitang Italyanong laguna "lake" na dala rito ng mga Kastila. Sa Tagalog, ito ay lawa. Sinasbing ito ang pangalang ikinapit ng mga manlulupig sa lalawigang nakapalibot sa lawa ng Laguna3.

--------------

1 Genoveva C. Ingles, Kasaysayan ng Mauban (Unang Pagkalimbag, 1955), p. 184.

2 Genoveva D. Edroza at Rufina Alejandro, Diwang Ginto Ikatlong Bahagi (Manila: Philippine Book Co., 1949) p. 83

3 Juan H. Paulino Ed. Souvenir Program, Laguna and the City of San Pablo Yearbook (Manila: National Printing Company, 1951).

[p. 2]

Noong 1571, ang Maynila ay itinatag ni Legaspi. Sa pamumuno ni Juan de Salcedo ay nakarating ang kanilang tropa sa dalampasigan ng lawa ng Laguna. Itinatag ang Tabuco (Cabuyao), Pila, Mahaihai (Majayjay), Lumban, Bae, at Pangil. Ang Bae ay siyang unang ginawang kabisera. Nalipat ito sa Pagsanjan. Hindi nagtaga, noon 1858, ang kabisera ay inilipat sa Sta. Cruz na siyang namalaging kabisera hanggang sa kasalukuyan.

Kasaysayan ng Lalawigang Laguna

Sang-ayon sa kasaysayang sinulat ni Gregorio F. Zaide, ang kauna-unahang Kastilang misyunerong nakarating sa Laguna na nagpalaganap ng Kristiyanismo ay sina Padre Juan de Placencia at P. Diego de Oropeza, kapwa Pransiskano. Sila ay dumating sa Laguna noong 1578 at nag-aral ng sermon ni Kristo4.

Itinatag ng mga pare ang mga bayan ng Pila, Lumban, Bae, Majayjay, Nagcarlan, Lilio, Pangil, at Siniloan. Sa bayan ng Nagcarlan sinulat ni Padre Placencia noong 1589 ang tanyag na manuskritong pinamagatang "Costumbrez de los Tagalogs." Nang ang Pilipinas ay muling salakayin ng mga Ingles noong 1762, ang mga tao sa Laguna ay nagpakita ng katapangan at katapatan. Sumama sila sa mga Kastila at maraming naputing buhay sa labanang ito.

Noong taong 1603, isang pwersa ng mga rebeldeng Intsik ang hindi makapasok sa Maynila at napilitang bumalik patungo sa lalawigan ng Laguna. May 1,500 na taga-Laguna ang sumama sa puwersa ng Hapon-Kastila sa pamumuno ni Don Cristobal Asqueta Menchaca para igupo ang mga rebeldeng Intsik.

--------------

4 Teresita Tobias, Laguna Magazine, 1961, p. 15-16.

[p. 3]

Sang-ayon din kay G. Zaide, noong 1639, ang mga Intsik ay muling nag-alsa laban sa Espanya dahil sa masasamang pamamalakad ng mga pinuno, at ang labanan ay nagsimula sa Calamba. Ang nagsipag-alsang mga Intsik ay kumalat at nakarating hanggang sa Maynila. Si Governador Hurtado de Corcuera ang namuno sa tropa ng Pilipino-Kastila laban sa mga rebeldeng Intsik at ginawang puwersa ang kabundukan ng Cavinti.

Kahit na ang mga mamamayan ng Laguna ay mabubuting kaibigan, matapat at sumunod sa batas, hindi nangangahulungang sila'y maglilingkod sa mga Kastila sa buong panahon. Sila'y may kakayahan din at may matalinong pag-iisip para sa kanilang karangalan at kalayaan. Sa paglipas ng panahon, ang mga Pilipino ay nagkaroon na ng dunong at halos malampasan pa ang mga Kastila. At unti-until na silang nagising sa matinding pang-aabuso at pang-aapi ng mananakop na Kastila.

Noong 1840, dahil sa hindi matiis ang mga paghihirap ng mga tao, ang mga taga-Laguna ay nagsipag-alsa. Ang binhi ng pagkamakabayan ay napupunla sa puso ng mga tao, lalo na nang dakpin si Dr. Jose Rizal, ang pinankamatilong anak ng Laguna. Ang pagkamakabayan ng mga tao ay tumubo at kumalat sa buong bayan. Libu-libong mga mamamayang makabayan, lalo na sa Bae, Los Baños, Biñan, Nagcarlan, Magdalena, Sta. Cruz, at Pagsanjan ay umanib sa Katipunan.

Ang lalawigan ng Laguna ay isa sa walong lalawigang naghimagsik laban sa mga Kastila. Sa pamumuno nina Heneral Paciano Rizal ng Calamba, Severino Laino ng Pagsanjan, Agueda Kahabagan (babaeng heneral) ng Calauan, at Miguel Malvar ng Batangas, ang mga taga-Laguna ay nakipaglaban sa mga Kastila hanggang noon Agosto 31, 1898. Ang kahuli-hulihang garison ng mga Kastila sa Sta. Cruz ay sumuko sa mga naghihimagsik at umalis sa Laguna.

[p. 4]

Nang sumapit ang labanan ng Pilipino-Amerikano noong 1898-1901, si Heneral Juan Cailles at Heneral Paciano Rizal ang namuno. Si Heneral Cailles ang naging unang Pilipinong gobernador sa Laguna sa ilalim ng bandilang Amerikano.

Noong panahon ng Hapon (1942-1945), ang lalawigan ng Laguna ay siyang naging sentro ng lakas kahit na may mangilan-ngilang MAKAPILI sa lalawigang ito.

Kalagayan at Kaanyuhan ng Lalawigan ng Laguna

Ang lalawigan ng Laguna, gaya ng nasa Larawan I sa susunod na pahina, ay nakatayo sa isang makitid na lupang nasa hilagang-silangan at hilagang-kanluran ng lawa. Sa gawing kanluran nito nakatayo ang lalawigan ng Cavite. Sa hilaga ay Batangas; sa silangan ay lalawigan ng Quezon; at sa timog, sa tabi ng lawa ng Laguna, ay lalawigan ng Rizal. Noong 1853, ang pinakamalaking bahagi ng Laguna, ang gawing timog ng lawa, ay nakaltas at naging distrito ng Morong na ngayon ay lalawigan na ng Rizal. Noong 1858, nabawas din sa lalawigan ng Laguna ang bahaging nasa gawing Tayabas (Quezon), ang distritong buhat sa kabundukan ng Sierra Madre patungong Dagat Pasipiko sa silangan; nguni't napasama namana ng bayan ng San Pablo buhat sa lalawigan ng Batangas. Sa kasalukuyan, ang lalawigan ng Laguna ay may lawak na 187,000 ektaryang parisukat.

Ang lalawigan ng Laguna ay napapalibutan ng hanay ng mga bundok, tulad ng Makiling, Malepunyos, Nagcarlan, San Cristobal, at Banahaw. Ang hanay ng Sierra Madre ay siyang tumatanggap ng halumiguig [unsure, blurred] na hanging buhat sa hilagang-kanluran sa panahon ng tag-bagyo buhat sa buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre. Ang lalawigang ito ay sagana sa ulan, lalo na sa matataas na pook. Sang-ayon sa mga tala ng matandang kawanihan ng panahon, ang bayan ng Lilio, Majayjay, at Luisiana

[p. 5]

sa kabundukan ng Banahaw ay may karaniwang bilang ng tag-ulan buhat sa 107 sa timog-silangan hanggang 196 sa hilaga sa katamtamang temperatura lalo na sa matataas na pook, na tinatayang higit na mataas ang antas ng lamig kaysa sa Maynila. Ang mga buwan ng Disyembre at Enero ang siyang pinakamalamig, lalo na sa rehiyon ng banahaw.

Ang Laguna ay maraming mga sapa at ilog na nagsisimula sa rehiyong kabundukan. Ang mga ito'y sinasala sa lalawigan. Ang pinakamalaking ilog ay ang Ilog Pagsanjan at Ilog Sta. Cruz, na maaaring pamangkaan sa buong santaon. Ang malalim na diposito ng buhangin ay nasa ilog ng Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, San Cristobal, San Juan, at Bay. Makapagbibigay ito ng mayamang lupa sa kapatagan ng timog-kanluran ng Laguna. Ang mga ilog sa matataas na pook ay siyang ginagamit ng siyensia para magkaroon ng puting karbon para sa puwersa ng hidro-elektrika sa "National Power Corporation" Caliraya sa Majayjay.

Mayroon itong iba't-ibang produkto bukod sa palay at niyog at gawaing ikinabubuhay ng mga taga-Laguna, tulad ng mga sumusunod:

1. Majayjay sambalilong pandan, banig, buntal, uway, bag, alak, kamatis, nata de coco, mais
2. Luisiana sambalilong buntal
3. Los Baños mainit na sibol, piña
4. Siniloan piña
5. Pangil lagarian
6. Cavinti sambalilong buli, bangka, katawan ng trak, bag, sako, kariton, piña
7. Calauan piña, tubo
8. Mabitac sambalilong sabutan
9. Rizal kamatis, mais
10. Sta. Cruz karomata, kariton, sabon, keso, kamatis, mais

[p. 6]

11. Pagsanjan bakya, nata de pinya, nata de coco, planta ng yelo
12. Calamba tubo, karomata, kamote
13. Paete bakya, muwebles, bagay na nililok, laruang papel, lansones
14. Nagcarlan abaka, tistis na tsinelas, kamatis, lansones, kamote, mais
15. Lilio abaka, tistis na tsinelas, araro, basket
16. Pakil kagamitang kawayan
17. Lumban bordang kamay, keso, bangka, palayok
18. San Pedro palayok
19. Sta. Maria kamote
20. Biñan keso, bakya, pinipig, kamatis, tubo, mais
21. Cabuyao puto, kutsinta, bibingka, at tubo
22. Alaminos lubid, pamahiran sa pinto, nata de coco
23. Kalayaan pagkakahoy, lansones
24. Famy basket na oway, banig, buslo, sambalilo
25. Sta. Rosa bordang kamay, sambalilo, buslo, banig, itik at pato, balut, tubo
26. Maqdalena alak, lansones, basket, buslo, sambalilo, at banig na pandan
27. Pila tubo, mais
28. Bay tubo, mais, prutas
29. Victoria tubo, itik, at pato
Ang pangunahing gawain sa lahat ng bayan ay pagsasaka. Pangalawa sa palay ang niyog bilang pangunahing pananim tulad ng asukal. Ang limang bayang nangunguna sa pananim na niyog ay lungod ng San Pablo, Nagcarlan, Cavinti, Majayjay, at Calauan. Dalawang beses isang tao nag-aani ng

[p. 7]

palay sa mga pook na matubig, lalo na sa kapatagan ng lalawigan. Ang tubo ay inaani sa mga bayan ng Calamba, Sta. Rosa, Cabuyao, Biñan, at Calauan. Ang mais ay inaani naman sa mga bayan ng Nagcarlan, Rizal, Sta. Cruz, Majayjay, at Biñan. May mga pananim ding talong, pechay, mustasa, repolyo, at labanos. Ang mga saging ay pananim sa likod bahay, sa tabi ng bundok at pali-paligid.

Ang lawa ng Laguna ay nakakapagbigay ng malaking tulong sa pang-ulam ng mga tao. Kinikilalang pinakamalaking lawa ito sa Pilipinas. Balita ito sa mga isdang karpa. Tila madalang na rito ang gurami; ang laganap ngayon ay tilapya, dalag, at biya na karaniwang nabibili sa lahat halos ng mga palengke sa buong Laguna. Ang pangingisda at pag-aalaga ng mga itik ay siyang pangunahing gawain ng mga tao sa baybaying lawa.

Mayaman ang Laguna sa magandang tanawin. Ang pinakamataas na bundok na nakapaligid ay ang Banahaw. May taas itong 2,188 metro. Makikita sa taluktok ng bundok na ito ang mga talon sa Sanpano, Makahoyon, at Dalitiwin ng Majayjay. Sa ibaba ng talong ito ay mga saplaran na ang kalahati ng tubig ay nagsisilbing patubig ng mga palayan sa buong kabukiran ng Majayjay at Magdalena. Ang Ilog ng Botocan sa pagitan ng Luisiana at Majayjay ay siyang nagbibigay puwersa sa lakas hidro-elektriko (hydro-electric power) ng Manila Electric Company. Sa dakong itaas ng pinagmumulan ng ilog na ito ay matatanaw ang talon ng Pagsanjang singganda ng talon ng Niagara.

Sa dakong kanluran ng banahaw ay makikita ang magkakambal na bundok ng San Cristobal na may taas na 1,494 metro. Matatagpuan naman sa dakong timog nito ang pitong lawa. Sa paa nito'y matatagpuan ang lawa ng Calibato may isang kilometro ang layo sa kabayanan ng Rizal. Pangalawa ito sa laki ng lawa ng Sampaloc sa Lungsod ng San Pablo.

[p. 8]

Ang baybayin ng mga lawang ito ay magandang pagtayuan ng mga hotel, bahay-paliguan, o bakasyunan kung tag-init. Mayaman ang lawang ito sa sariwang hipon, dalag, at bakuli.

Sa kabilang dako, ang bayan naman ng Los Baños ay balita sa maiiinit na sibol. Mayroon ditong mga bahay-paliguan at mga pribadong silid para sa mga bisita. Sa Calamba'y naroon ang Pansol, na bantog sa mainit na sibol. Sa kabayanan ay marami ring paliguang paupahan sa mga taong nais maligo at lumangoy. Mayroon din ditong maliliit na bahay bakasyunan para sa mga nais mamahinga at magpalakas ng katawan.

Sa gawing hilagang-silangan, tatlong kilometro buhat sa kabayanan ng Los Baños, ay naroroon ang may anim na ektaryang Dalubhasaan ng Pagsasaka ng Pamantasan ng Pilipinas. Ang magandang ayos ng pook na ito ay siyang nakabibighani sa mga panauhin. Ang pinakamalawak na bahagi ng pook na ito ay taniman ng sari-saring prutas, kasama ang mga manukan at mga babuyan. Makikita rin dito ang mga halamanan ng mga guro at propesor sa paligid ng kani-kanilang maliliit na tahanan sa bundok.

Isa rin sa mga pinakamagandang pook sa Laguna ang "Canlubang Sugar Estate." Itinuturing itong pinakamagandang asukalan sa buong bansa. Mayroon itong mga languyan, laruan ng tenis, pook aliwan, laruan ng golf, sinihan, makabagong ospital, at maliit na bisita ng mga Katoliko.

Ang mga tao sa Lalawigan ng Laguna ay karaniwang mga Tagalog (karaniwan sa mga ito'y may hanapbuhay). Ang mauunlad na daan at lansangan, maunlad na pahatiran at maunlad na pangangalakal ang siyang nakapagtataas ng kabuhayan ng mga tao rito. Ang mga mayayaman ay nakatira sa mga malapalasyong tahanan; ang mga taong nakakariwasa'y sa magagandang tahanang nasasangkapan ng mga makabagong kagamitan. May sapat itong panustos na tubig at ilaw. Ang mga mahihirap naman ay sa mga bahay na bagama't mailiit ay maaayos naman,

[p. 9]

malinis, at may sapat na kagamitan. Dahil sa mabuting pagkaka-ugnayan ng buong pamilya, ang pagkaka-iba ng antas ng kanilang kabuhayan ay hindi makasasagabal sa kanilang pag-uugnayang panlipuna.

Sa kasalukuyan, ang bilang ng masisipag na mamamayan ng lalawigan ay umaabot sa 472,215, na naninirahan sa may 1,203.8 kilometrong parisukat5. Milyon-milyong piso ang halaga ng inaaning niyog, asukal, palay, isda, prutas, lansones, at iba pa. Maraming turista ang dumarayo sa mga magagandang pook nito, tulad ng Talong ng Pagsanjan, Pansol, at iba't-iba pang maliliit na sibol na mainit ng Los Baños, Parka ng Makiling, at Lawa ng Sampaloc.

Isa sa mga tradisyon sa Laguna ang pagdaraos ng piyesta ng mga patrong santo. Ang mga kapistahan ng mga bayan ng Laguna, kasama ang mga santong ipinagpipista, ay ang mga sumusunod:

1. Alaminos Oktubre 12, Mahal na Birhen del Pilar
2. Bay May 5, San Agustin
3. Biñan Mayo 5, San Isidro
4. Cabuyao Enero 26, San Agustin
5. Calamba Hunyo 4, San Juan Bautista
6. Calauan Mayo 15, San Sebastian
7. Cavinti Agosto 6, San Salvador
8. Famy Lunes bago mag-Miyerkolesng Abo, San Sebastian
9. Kalayaan Disyembre 27, San Juan Evangelista
10. Lilio Agosto 29, San Juan Bautista
11. Los Baños Disyembre 8, Imakulada Concepcion
12. Luisiana Oktubre 9, Sto. Rosaryo
13. Lumban Enero 20, San Sebastian, San Antonio de Padua, at San Francisco

--------------

5 Hinango sa mga tala ng Sta. Cruz, Kabisera ng Lalawigang Laguna.

[p. 10]

de Assisi. Nagkakaroon ng prusisyon sa ilog sa karangalan ni San Sebastian. Ang mga tao sa karatig bayan ay dumarayo upang panoorin ang prusisyon.
14. Mabitac Febrero 15, Santa Candelaria
15. Magdalena Huly 22, Santa Magdalena at San Vicente
16. Majayjay Marso 11-12, San Gregorio, Santa Porteria
17. Nagcarlan Agosto 24, San Bartolome
18. Paete Hulyo 25, San Santiago Apostol
19. Pakil Oktubre 19, San Pedro Alcantara. Simula sa ika-siyam na araw pagkalipas ng kuaresma, ang Peregrinasyong isinasagawa sa simbahan sa karangalan ng Birhen ng Kalungkutan. May lingguhang pagdalaw o "lupi."
20. Pagsanjan Disyembre 12, Imakulada Concepcion
21. Pila Hunyo 13, San Antonio de Padua
23. Rizal Enero 6, Mayo 8, San Miguel Archangel
24. Santa Cruz Hunyo 4, Birhen Maulawin (Phil. Independent Church, official fiesta), Disyembre 8, Imakulada Concepcion
25. Santa Rosa Abril 30, Sta. Rosario de Lima
26. Siniloan Katapusang Biyernes ng Agosto, San Pedro
27. San Pedro Mayo 3, San Pedro
28. Victoria Abril 30, San Roque at San Isidro
29. Pangil Setyembre 8, Nativity
30. San Pablo City Enero 15, San Pedro

PART I | PART II

Transcribed from:
Historical Data of the Province of Laguna, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post