MUNICIPALITY OF GUMACA, Quezon, Historical Data of Part 5
PART V
PART I | PART II | PART III | PART IV | PART V | PART VI | PART VII
[p. 61]
Mga Pamahiin
Pagkakahulugan
Paniniwala
Tinipon at Sinulat ni
Bb. Luz C. Tañafranca
Gumaca Elementary School
[p. 62]
PAGKAKAHULUGAN
1. Kapag ang bagong sikat na buwan ay nakaharap sa bundok, ang ibig sabihin ay sa isang buwang yaon ay masanggit. Nguni't kapag ito ay sa dagat nakaharap, ang ibig sabihin ay maulan.
2. Kapag ang tayo ng bagong buwan ay tuwid na tuwid, ang ibig sabihin ay marami ang magkakasakit at mamamatay sa loob ng isang buwan na yaon.
3. Ang kaalakbay na bituin ng buwan minsan ay malapit na malapit sa kanya, ang ibig sabihin noon, ang babae ay malapit sa mga lalake.
4. Ang layang-layang, kapag mababa ang lipad at halos umabot na sa lupa, ang ibig sabihin ay may bagyong darating.
5. Kapag ang langit ay lubhang maaliwalas at ang mga bituin ay halos magpatong-patong sa dami, ang ibig sabihin ay mabuting magtanim ng mga ayap, monggo, at iba pa.
6. Sa paglubog ng araw at ang langit ay lubhang madilaw, ang ibig sabihin, kinabukasan ay maulan; nguni't 'pag pula, yaon ay masangit.
7. Kapag ang kayo na dap-dap ay namumulaklak, ang katang ay mataba at mapiga.
8. Kapag ang pusa ay naghilamos nang nakaharap sa pinto, may bisitang darating.
9. Ang itim na paw-paw, kapat lumilipad sa loob ng iyong bahay kung gabi, ang ibig sabihin ay may kamag-anak kang mamamatay.
10. Sa iyong paglalakbay at sa di inaasahang pangyayari ay may tumawid na ahas, may suwerte ang lakad mo; nguni't kung bayawak ang tumawid, bigo ang lakad mo.
11. Kung ikaw ay pupunta sa anumang huego tulad ng sabong, at makasalubong ka ng babaeng buntis, huwag ka nang magtuloy pagka't walang salang ang kahuluhulihan mong kuwarta ay mauubos.
12. Sa iyong pagtulog at nakapanaginip ka na ikaw ay sakay sa bangka o sa bapor, at ang mga bangkang ito ay hindi dumaong sa pampang, kinabukasan ay may maririnig kang namatay ang isa mong kamag-anak.
13. Kung sa panaginip mo ay natipo ang isa mong bagang, masamang balita ang iyong maririnig.
14. Kung sa iyong pagkain ay nahulog ang kutsara ng hindi sinasadya, may panauhing babaeng dadalaw sa inyo; kung tinidor o kutsilyo, lalake ang dadalaw sa inyo.
[p. 63]
15. Kapag namutak ang tandang, and ibig sabihin ay may dalagang disgrasyada sa pook na yaon.
16. Kung may bagyo at marinig mo ang huni ng palaka, ang ibig sabihin, matatapos na ang bagyo.
17. Kapag salatan ang hangin, ang ibig sabihin ay lilipas pa ang lakas ng humihihip na hangin.
18. Sa kasalukuyang bumabagyo at ang pusa ay tumalon sa bintan, ang ibig sabihin noon ay umalis na ang mga tao sa loob ng bahay at ito ay walang pagsalang matutumba.
19. Ang panahon sa pagsapit mo sa ika-dalawampu at isa ng iyong gulang ang magbabala ng daranasin mo sa buhay. Sa umaga, kapag maulan, ang ibig sabihin ay may lungkot kang daranasin sa iyong kabataan; sa tanghali naman kung umulan, lungkot din ang daranasin mo sa katanghalian ng iyong buhay; at kung sa hapon naman, hanggang sa ikaw ay mamatay, pawang lungkot at hirap ang iyong sasapitin. Kung umaraw naman hanggang hapon, ang ibig sabihin noon ay makahihigit ang ligaya kaysa lungkot na sasapit sa iyong buhay.
20. Sa pagbibinyag at nahulog ang gurang isinuot ng pare sa ulo ng bata, hindi magtatagal ang buhay ng bata.
21. Kung sama-sama ang binibinyagan at nagkataong iisa ang lalake roon, ang lalakeng yaon kung lumaki ay ibigin ng mga babae.
22. Ang bata, sa kanyang pagsilang at nakatalikod sa ina ay huwag ipipisan sa ina pagka't ang bawa't susunod na iaanak ay mamamatay.
23. Kapag ang pusang itim ay masalubong mo sa iyong paglalakbay, masama ang iyong sasapitin.
Luz C. Tañafranca
[p. 64]
MGA PANIWALA
Ang iba ay naniniwala pa sa mga kasabihang sumusunod:
1. Ang babaeng ikakasal ay hindi dapat magsukat ng damit pangkasal. Kung minsan ay hindi natutuloy ang kasal.
2. Ang buhawi ay mawawasak at biglang lalayo kung sa pagkakita mo ay hahayaan mo pa ng kurus na ang gagamitin mo ay matalim na itak o gulok o ano mang bagay na may talim.
3. Kung malakas ang hangin o lindol, kulog, at matalim ang mga kidlat, mabuting magsunog ng beninditang palaspas at paaasuhin ito. Hindi magtatagal at mawawala ang masamang elementong ito.
4. Kung may balitang aswang o ano mang masamang impakto na dumalaw sa bukid o sa bayan, mabuting magsabog ng pinitpit na bawang sa paligid ng bahay. Ang impakto raw ay takot sa amoy na ito.
5. Ang asawang lalaki ay hindi dapat magpadrino sa binyag kung ang asawa niya ay nagdadalang-tao. Magkakadaigan daw ang dalawang bata.
6. Ang bahay ay magiging masuwerte kung sa pagbabangon ng haligi nito ay lalagyan ng kuwartang sinsilyo at ang maglalagay ay ang asawang babae.
7. Ang magkapatid ay masamang magsuno sa taon kung mag-aasawa.
8. Pag umawit sa harap ng kalan, ang magiging asawa ay balo.
9. Kung maghihinuko ay sa araw ng Lunes. Malayo raw sa sakit ng ngipin.
10. Mabuti raw paspasin ang mga tanim na ayaw bumunga o bumulaklak sa araw ng bagong taon. Hindi matatagalan at magsisipamunga o mamumulaklak ang mga ito.
11. Kung ano raw ang ginawa sa araw ng bagong taon ay siya ring malimit na gagawin sa luoban ng taong yaon.
12. Ang kaluluwa raw ng isang namatay ay muling dadalaw sa pamilya bilang pahimakas niya sa mundong ibabaw.
13. Ang may sakit ay hindi dapat ilakad kung araw ng Martes o Biyernes gayon din ang mga mangangalakal ay hindi dapat maglalakbay sa ganitong mga araw.
14. Kapag pinaliguan ang pusa ay babaha at babagyo.
15. Kapag umupo sa unan ay magkakaroon ng pigsa.
Luz C. Tañafranca
[p. 65]
PAMAHIIN
1. Masama ang tumawa sa nagtatanim ng mais. Madalang ang magiging butil ng mais.
2. Kung nagtatanim ng niyog, dapat ay nakaupo sa tabi ng hukay, huwag nakatayo. Ang niyog ay hindi lubhang tataas.
3. Kung magtatanim ng makapuno ay pupunuin ang bibig ng nilugaw at huwag aalisin hangga't hindi naitatanim ang lahat ng inaakalang itatanim sa araw na yaon. Marami ang punong niyong sa punong yaon.
4. Kung magtatanim ng suwi ng saging ay kung kabilugan [ng buwan]. Ang buwig ay malalaki at matataba ang bunga.
5. Masama ang magwalis kung nagtatanim ng palay. Madali raw matuklasan ng mga hayop ang itinanim.
6. Masama raw kumain sa gitna o sa tabi ng halamanan. Tutularan daw iyon ng mga hayop.
7. Masama raw ibangi ang unang bunga ng mais. Magkakabukbok daw ang mga huling bunga.
8. Ang binhi raw ng palay ay dapat maunang anihin ng may-ari. Pinipili ito at kinukuha lamang ay ang mga magagandang uhay.
9. Hindi rin mabuti ang maghasa ng itak kung humahasik ng palay.
10. Kung magtatanim ng kamote ay kung hibas at mabituin ang gabing nagdaan.
11. Bago ibaon ang haligi ng bagong bahay, ang hukay nito ay dapat buhusan ng suka. Ang bahay daw ay malayo sa kidlat at malalakas na kulog.
12. Kung magbabangon ng bagong bahay ay abangan ang pagtaib. Yaon daw ay masuwerte.
13. Ang hagdan ng bahay ay ihaharap sa sinisikatan ng araw. Maaga raw pumanhik ang biyaya ng Diyos.
14. Ang babae raw na naglilihi ay hindi dapat matuwa o magalit sa ano mang bagay na pangit sa paningin. Kung minsan daw ay tumutulad doon ang magiging anak.
15. Kung mamasyal daw ang buntis na babae ay dapat nakalugay ang buhok.
16. Masama raw maligo kung araw ng Lunes sa buwan ng Agosto, gayon din sa unang Lunes ng Septiembre. Mabigat daw kung magkasakit.
17. Ang araw ng Sabado ay hindi mabuting araw ng kasal.
18. Masamang mag-gulay o kumain ng gabi kung may patay na kamag-anak. Hindi raw matatagalan at may susunod na mamamatay.
19. Hindi raw mabuting magwalis ng bahay kung may nakaburol na patay.
20. Masama rin daw ang dumungaw kung ipapanaog na ang bangkay. Dapat saraduhang lahat ang mga durungawan.
21. Masama rin daw maligo kung may patay na kamag-anak. Magiging malalamigin daw.
22. Ang sakit daw na nagbuhat sa paliligo sa araw ng Biyernes ay mahirap mapagaling.
Luz C. Tañafranca
[p. 66]
Mga Alamat
Tinipon at Sinulat ni
Bb. Luz C. Tañafranca
Gumaca Elementary School
[p. 67]
ANG PINAGMULAN NG LANGGAM
Noong unang panahon, ang langgam ay hindi tulad ng mga nakikita natin ngayon. Sila ay mga tao ring tulad natin. Sinasaka nila ang bukid na bigay sa kanila ng Diyos. Marunong silang mag-impok ng pagkain para sa tag-ulan o ano mang uri ng panahon. Hindi sila kinukulang at hindi nila nararanasan ang magutom. Lahat sila ay sagana sa pagkain.
Maraming panahon ang dumaan sa kanila. Bawa't panahon naman ay may kaunting pagbabago sa kanila. At ang di inaasahang pangyayari ay sumapit sa kanila. Naging tamad ang bagong sipot na kabataan. Nais nilang mabusog nguni't ayaw namang gumawa. Natuto silang mangaman ng lupang di kanila at natuto na ring kumuha ng di nila ari.
Minsan ay may nagtangkang magnakaw sa bahay-palay ng isang masipag na tao. Sila ay isang pangkat. Nakuha na nila ang palay nang di namalayan ng may-ari. Nguni't ang mabaho raw itago man ay maaamoy rin, kaya't nang madalas nang mangyari ang pagkawala ng palay ay inisip ng may-aring manubok upang makilala ang mga magnanakaw.
Dumating nga ang mga magnanakaw. Akala nila ay tulad ng dating di sila mamamalayan at nang bubuhatin na lamang nila ang inihanda nilang palay ay nabuksan ang pinto, "Kayo pala," aniya, "ang magagaling na magnanakaw. Iwan ninyo iyan o kung hindi ay parurusahan ko kayo!" Subali't hindi pa man niya natatapos ang huling pangungusap niya ay pinagkakagat na siya hanggang magdugo ang lahat ng panig ng katawan niya. Palibhasa ay walang mga patalim noong panahong yaon kaya ngipin ang naisipan nilang sandata. Sa dami ng dugong dumanak, hindi natagalan at namatay din siya.
Ang pangyayaring ito ay nasundan pa ng isa at marami pang higit na nakalalagim kung mapakinggan ng sino man. Nalaman ng Diyos ang nangyaring ito. Binigyan pa Niya ng
[p. 68]
ANG PINAGMULAN NG LANGGAM
Pagkawika noon ay unti-unti ngang lumiit ang mga taong masasamang-loob, hanggang gumapang na sila nang gumapang at nangalat sa buong daigdig. Minsan-minsan, palibhasa'y ugali na nila ang mangagat, kumakagat sila kahit sa binti ng tao. Pagkatapos naman nila makakagat ay lalagpak na sila at tuluyang mamamatay.
Iyan ang parusa ng Diyos sa mga taong makasalanan at kung makikita mo ang pagyayao't-dito ng mga langgam, maaala-ala mo rin ang mga parusang iniatang sa kanila.
Luz C. Tañafranca
[p. 69]
ANG PINAGMULAN NG MGA BUNDOK
Nuong panahong una, ang lahat ng tao ay mababait at walang pasikatan. Masisipag [ang mga tao] at walang makikitang namamasyal kung araw. Ang lahat ay nasa kanya-kanygang mga gawain. Tahimik sila at masaya. Ang alitan at samaan ng loob ay hindi nila nakikilala. Maging sa pananamit ay walang nagsusuot ng magara. Pare-pareho sila. Hindi sila marunong managhili.
Maraming panahon ang sa kanila ay dumaan. Subali't sa hinaba-haba ng panahon ay tila naiiba ang lakad ng mga pangyayari. Hindi na sila ang dating mabababang-loob at mapagbigay. May inggit, may panibugho nang naghahari sa mga puso nila. Kung makitang maganda ang kasuotan ng isa, bukas ay hihigtan naman ng iba. Ganyan ang namayani sa kanila noon. Nagpapalaluan at ayaw patalo sa iba. Liban na lamang sa ibang hindi nawawala ang kabutihang asal.
Ang mga ganitong pangyayari ay hindi naibigan ng Diyos. Nag-anyo siyang isang matandang pulubi at pumasok sa lugar na yaon. Sinabi niya sa gayong araw at oras ay babaha ng malaki. Ang nais makaligtas ay dapat umalis sa bayang yaon. Nguni't kung aalis ay kahit anong ingay at ugong na maririnig ay huwag lilingon. At bago Siya umalis ay dumaan pa Siya sa bahay ng isang mag-anak na mabait. Sinabihan na Niya at tuloy na umalis.
Isang araw nga ay umulan ng malaki [malakas]. Naalala ng mga tao ang sinabi sa kanila ng matangdang pulubi. At ang iba ay gumayak at ang iba ay naiwan. Subali't nakakalayo-layo pa lamang sila ay nakarinig sila ng malakas na ugong. Palibhasa'y taong mga makasalanan, kaya't ano mang marinig ay natatakot, napalingon sila. At sa tuwing lilingon ay natatabunan ng lupa.
Apatnapung araw bago lubusang napawi ang baha. Wala nang nalabi sa bayang yaon kung ang mga bahay. Ang mga tao at mga kahoy ay natabunan ng lupang dala ng baha. Kung saan-saang lugar nadala ng tubig ang mga bahay ng mga tao. Hindi na naalis ang mga lupang napatabon sa kanila, at habang lumalakad ang panahon ay lalo pang lumaki ang lupang ito. Nagkakaratig din silang natabunan. Yaon na ang pinagmulan ng mga bundok at punso. Ang kahoy na malalaki at matataas ay naging bundok na mataas at ang mga bahay na magkakaratig ay naging bundok na magkadugsong. Ang mga taong nagtangkang makaligtas ay natabunan din at ang mga ito ay naging mga punso.
Isang mag-asawang makasalanan ay tumindig pa sa isang mataas na bato. Lumingon din sila kaya't magkasiping silang natabunan. Hanngang ngayon ay makikita pa ang bundok na ito na kung tawagin ay kambal na bundok.
Ang tanging nakapagsaysay nito ay yung mag-anak na mabait. Palibhasa'y walang
[p. 70]
END
Luz C. Tañafranca
[p. 71]
ANG PINAGMULAN NG KULOG AT ULAN
Nuong unang panahon, ang tanging naninirahan sa matataas na bundok ay ang mga malalaking higenti. Pinagpala sila ng Diyos pagka't sila ay mabubuting tao at mga masunurin. Binigyan sila ng kani-kanilang pook na kanilang titirahan at pagyayamanin. Sila ay may mga puno ring sinusunod.
Matuling lumipas ang maraming panahon. Sila pa rin ang dating mabubuting magkakaibigan. Subali't may kasabihang "lumalao'y naigi, sumasama pa sa dati."
Isang araw, isang higanti sa kabilang pook ay namamana ng usa sa gubat. Matagal na siyang naghahanap ay wala pa siyang nahuhuli. Sa laki ng pagnanais niyang makahuli pagka't wala na silang pagkain ay dumako siya nang dumako ruon. Hindi niya napansing nakarating na pala siya sa kanugnug na gubat na ari ng kaibigan nila. Nagkataon namang isang higanti na taga-ruon ay namamana rin ng usa. Nakita niya ang higanting taga-ibang lugar. Nagalit siya pagka't lumabag sa batas ang taong ito. Ang batas na yaon ay napakamahalaga pagka't yaon ay banal na sinumpaan ng mga ninuno nila. Sinasabi sa batas na bawal ang manghimasok sa lugar ng may lugar. At sa bugso ng kanyang nagsalimpuyong damdamin ay nasunggaban niya ang taga-ibang lugar na namamana. Naglaban sila. Kapuwa sila malaki, kapuwa sila matapang. Hindi sila tumigil hanggang ang isa sa kanila ay mapilayan. Yaon pa lamang ang kauna-unahang pagkakagalit nila.
Ang nangyaring ito ay hindi nalingid sa kaalaman ng dalawang pinuno. Hindi nadala sa mapayapang pagkakasundo ang bagay na yaon, kaya't humanda ang isa at isa sa pakikibaka. Minsan ay nagpanagupa sila. Kapwa sila nasa itaas ng bundok. Naglabanan ang mga higanti. Sabihin pa, sa lalaki ng mga taong ito, ang malalaking bato na halos sinlaki ng mga bundok ay kayang-kaya nilang ipaggulungan at ipaghagisan. Naggulungan sila at naghagisan ng bato. Ang pag-uumpugan ng mga bato ay lumikha ng malakas na ugong na tumaginting hanggang sa kalayu-layuang sulok ng daigdig. Yaon ang kauna-unahang kulog.
Nagalit ang Diyos sa nangyaring yaon. Pumanaog Siya [sa lupa] and aniya ay, "paparusahan Ko kayo ng kaparusahang walang hanggan. Ang parusang ito ay maririnig sa buong daigdig upang malaman nilang hindi mabuti ang ginawa ninyo. Mula ngayon at kailan man, igugulong ninyo ang mga batong iyan at sa hanggang wakas ay wala kayong tatamuhing kaginhawaan.
Matapos mabigkas ang mga pangungusap na yaon ay umalis na ang Diyos. Tumulo ang kauna-unahang luha ng dalawang reyna. Ang iba pang naruruon ay lumuha na rin. Sa dami raw ng umagos sa mga mata ng dalawang reyna ay tumulo hanggang sa lupa. Yaon daw ang kauna-unahang ulang pumatak sa lupa.
Sa tuwing magugunita ng dalawang reyna ang hirap na dinaranas nila, sila ay lumuluha, at sa tuwing luluha sila ay umuulan. Sabay sa ulan ang pag-ugong naman ng kulog. Hanggang ngayon, lumuluha pa raw ang reyna at naggugulong pa ng mga bato ang mga higanti.
Luz C. Tañafranca
[p. 72]
ANG PINAGMULAN NG ASWANG
Noong unang panahon, sa isang nayon sa China, ay may naninirahan doong isang mamamayang mangangalakal na ang pangalan ay si Wong. Si Wong ay may isang asong mabait at masunurin sa lahat ng kanyang iniuutos.
Si Teng ay isang mabait na taong kapitbahay ni Wong. Siya ay mayroong magandang anak na ang pangalan ay Sua. Lingid sa kaalaman ni Teng ay nagkaroon ng kasintahan si Sua, si Pungwa. Masipag siya at magalang, nguni't isa isa rin siyang maralitang tulad ng mag-ama ni Teng. At dahil nga sa karalitaang iyan ay lumaki ng lumaki ang utang ni Teng kay Wong. Tuwang-tuwa naman si Wong na magpautang sa kanya sapagka't mayroon siyang binabalak na gawain.
Isang araw ay lumapit si Wong kay Teng. Sinabi niyang yaman din lamang na hindi siya makabayad ay ipakasal na sa kaniya si Sua at wala na silang alalahanin sa utang niya. Maganda at mabango si Sua at malaki ang pag-ibig niya rito.
Inamuki ni Teng ang kanyang anak na pakasal kay Wong pagka't wala silang maibayad sa kanilang utang. Masunurin palibhasa si Sua at pumayag na pakasal kay Wong. At sa lalong madaling panahon ay naidaos ang isang maringal na kasal. Subali't, palibhasa matanda na si Wong at batang-bata naman si Sua, dili ang hindi siya masupil ng kanyang damdamin huwag nang umibig pa sa iba. Kaya't sa amuki ni Pungwa na lihim silang mag-uulayaw kapag nasa gawain si Wong ay madali siyang nahikayat. Araw-araw, sa lilim ng isang punong kawayan sa tabi ng batis sila ay nagtatagpo. Maligayang-maligaya sila at parang wala silang kamatayan.
Minsan ay napauwi si Wong ng maaga dahil sa kaunting karamdamang dumapo sa kanya. Wala si Sua at wala ring tubig sa banga. Kinuha niya ang panabo at tuloy-tuloy siya sa batis. Uhaw na uhaw na siya. Subali't malayo-layo pa siya ay may naulinigan siyang pag-uusap ng marahan. Waring isang babae at isang lalaki. Sa kanyang pananabig ay dahan-dahan siyang lumapit at nanubok. Si Sua nga at ang dati niyang kasintahan. Sa laki ng kanyang galit ay pinatay niya ang kanyang asawa at tuloy ibinaon.
Ilang buwan ang lumipas mula noon. Sa kasamaang-palad ay dumating ang pagkakagutom sa nayon nila. Ang aso ni Wong ay walang tigil nang kahahanap ng pagkain nila, hanggang matagpuan ng aso ang bangkay ni Sua. Nilaplap niya
[p. 73]
Isang gabi ay pinagbantayan siya. Nang makita siya ay nagsigawan ang mga tao: "Aso ni Wong! Aso ni Wong!" At pinaulanan siya ng di mabilang na bato. Nahuli siya ng mga tao. Gaano ang pagtataka ng mga tao nang ang anyo ng aso ay naging tao. At sa wakas ay nakilala nilang yaon pala ay si Wong.
Mula noon ay naging bukang-bibig na panakot sa mga bata ang katagang "Aso ni Wong, aso ni Wong!" Hanggang ang katagang ito ay maging "Aswang."
Luz C. Tañafranca
[p. 74]
ANG PINAGMULAN NG LINDOL
Ang kuwentong ito ay nangyari noong bata pa ang daigdig. Sa bawa't pulo ay iilan pa ang mga naninirahan. Ang mga kuweba ay tirahan ng mga higante. Nguni't mababait naman sila at hindi nakikialam sa mga taong naninirahan sa kapantayan.
Ang nayon ng Gisa ay malapit sa kuweba ng mga higante. Pati mga higate ay mga kaibigan nila. Kaya't binigyan sila ng Diyos ng masaganang kabuhayan.
Sa nayon ding yaon ay may isang dalagang maganda. Iginagalang siya at hinahangaan ng balana [not sure, blurred], pagka't halos lahat ng katangian ng isang babae ay nasa kaniya na. Maraming binata ang namintuho sa kanya. Isang binatang mabait at kagalang-galang ang kinagiliwan niya. Naka-iingit man din ang pagsusunuran at pagsusuyuan ng dalawang ito. Kung gabing maliwanag ang buwan, namamangka sila. Kung umaawit ang dalaga, pati man din mga isda ay tila nakikinig sa kanyang pag-awit.
Sa matimyas na pagsusuyuan nilang ito ay dili ang hindi nakabagabag sa puso ng isang higante. At higante palang ito ay may lihim na pagmamahal sa dalaga. Isang araw na wala sa nayon ang binata ay dumalaw ang higante. Ipinagtapat sa dalaga ang kanyang pag-ibig. Huwag mo naman, aniyang puso ko ay nakasanla na sa iba. Umalis ang higante na mabigat ang loob. Di pa man din matinding kasiphayuan ay nasabi niya sa dalaga na hindi siya magtitigil hangga't nakikita niyang siya ay dalaga pa. Umalis siyang malaki ang hinanakit sa dalaga.
Nang gabing yaon, pag dalaw ng binata sa kanya ay sinabi niya ang nangyari ng araw na yaon. Kaya't pinagkasunduan nilang lumagay na sa tahimik sa lalong madaling panahon. Lihim na lihim ang kasal nila pagka't kapwa nangamba sila na kung ano ang gawain sa kanila ng higante. At nang malaman ng higante ay lalong nagsiklab ang kanyang galit. Sa tindi ng kanyang galit ay nasabi niyang ipaghihigante niya ang tinamo niyang kasawian. Umuwi siya sa kaniyang kuweba. Nagtilos siya ng bakal. Matulis na matulis. Nang ito ay nangingintab na sa talas ay pinahiran niya ng makamandag na lason. Hinintay niya ang gabi upang ang kadiliman nito ay siyang maging saksi sa kabuktutan niyang
PART I | PART II | PART III | PART IV | PART V | PART VI | PART VII
TRANSCRIPTION SOURCE: